Saturday, November 27, 2010

Wiling – Willie, isang araw sa buhay ko

Isang araw, isang Huebes, November 25, 2010 ay napasugod ang inyong lingkod sa Channel 5 T.V. Station sa may Novaliches, Quezon City. Ito ay ilang hakbang lamang ang layo mula sa SM Novaliches branch na nagsilbing meeting place namin.

Sampu kaming nabigyan ng passes upang makapasok sa Willing – Willie show, sa dahilang may TV advertisement ang aming kompanya sa programang ito.

5:00 P.M. ay nabuo ang grupo kaya diretso kami sa gate ng T.V. 5 at binanggit namin ang taong kontak person namin sa guard. Agad naman kaming pinapasok upang antayin ang susundo at magsasama sa amin papasok sa loob ng Studio.

Grabe ang pila ng tao sa labas ng istasyon. Iba't-ibang edad, lalaki, babae, bakla, tomboy, lola, lolo, may ipin o wala ay sama-sama sa pila. Iba-ibang grupo at karamihan ay tila color coding ang mga damit. Naisipan naming red ang kulay ng T-Shirt na isusuot namin.
Kaya para kaming human stop light dahil katabi namin ang may suot na green at mga yellow.

Karamihan ay may mga dalang tarpaulin na nagsasaad ng pagmamahal kay Willie Revellame, kay Shalani (Co-Host) at sa show. May mga gumawa ng sash at kartolinang itsurang korona para sa ulo. Iba-ibang gimmick para mapansin upang kahit paano ay maabunan ng grasya ni Wellie.

Magkahalong paghanga at awa ang naramdaman ko sa mga taong ito. Papano kung umuwi silang luhaan at walang maiuwing pera o regalo. Ramdam ko ang kanilang tiniis na hirap, pagod at gutom upang makapasok lamang sa loob ng istasyun sapagkat para sa mga taong ito ay dito sila nakakakuha o humuhugot ng pag-asa.

Isang pilang mahaba ang aming nadaan nang mga pinalad na makapasok sa loob. Sa iba kami dumaan kaya nadaanan namin ang mga saradong kuwarto (dressing room) nina Willie at Shalani.

Sa loob ay pinaupo kami sa unang row ng hanay ng mga upuan. Malamig ang paligid at maraming security personnel. Halos kalahating oras pa ay may 2 comedienne/ singer (Inday Garutay at Jeff Vasquez) na kumanta, nagpatawa upang magising at maging masaya ang paligid.

Hiyawan, palakpakan, taasan ng streamer at poster. Nabuhay ang mga dugo ng taong nasa loob ng istasyun. May mga sumasayaw at sumasabay sa indak ng tugtugan. Bumunot din sila ng 40 names ng tao ng sasali sa isang laro na ang tawag ay 1 2 3 go. Ipinaliwanag din nila na kung more than P 10 thousand pesos ang napanalunan ng isang contestant ay may kaltas daw itong tax ayun sa batas.

Lumabas si Owen at nag-paliwanag sa mga bago o first timer kung ano ang gagawin lalo na kapag tinamaan ng camera. “Huwag tumawa kung naiiyak ang nagsasalita o ang may hawak ng mike”. Nagturo din siya ng tamang sayaw sa opening number. Naging masaya agad nang mamigay siya ng regalo sa pamamagitan ng pag hagis ng mga ito. Marami ang humalik sa kanya kaya lang ay puro may edad na. Kaya nung mapunta sa mga bata-bata ay siya naman ang pabirong humirit.

Sa tuwing may station break or commercial ay agad tatayo at kakanta o magpapatawa sina Inday Garutay at Jeff Vasquez. Importante ito sapagkat napapanatili nito ang init or energy ng mga manood.

Dito rin nakapag pahinga sina Willie at Shalani na diretso sa kanya-kanyang room.

Mabilis ang kilos ng mga staff o propsmen ng show. Halatang sanay na sanay at organize ang systema ng pagpapalit ng set. Halos ilang minuto lang ay naalis na at nailagay ang gagamitin sa kasunod na segment.

Magaganda at mapuputi ang mga dancers na kung tawagin ay WW.Girls. Kabisado nila ang bawat sayaw at tamang oras ng pag-papalit bihis. Walo (8) ang camerang gamit at tila isang orkestra na may coordinasyun ang kanlang pagkilos.

Ang mga binabasa nina DJ Mo, Shalani at Willie at pati ng mga dancers ay maayos na nakasulat sa brown paper at inilalapit kung kailangan. Maraming nakasulat na reminder para sa host pati sa nanalo upang hindi magkamali ang mga ito sa sasabihin.

Simula 6:30 P.M. Hanggang 9:00 P.M. Ang haba ng T.V. show
Inaamin ko na hindi ako fan ni Welly Revillame pero nung mga sandaling iyon ay tila humanga ako sa kanya. Pinilit niyang ipalabas ang isang programang para sa masang Pilipino.
Sa kabila ng mga demanda o asunto,isang Wiling - Willie na show ay ibinigay sa tao.

Nauunawaan at naiintindihan ko ang mga pangangailangan ng mga taong nanduon. Aamot ng kunting pera, ng kaunting regalo at sandamakmak na tuwa at saya ang baun sa paguwi sa kanilang tahanan. Nagtiyagang pumunta, pumila at kapag makapasok ay may tangan na pag-asa para sa susunod na bukas.

Sa kabuoan ay hindi ko napansin na halos apat (4 ) na oras na pala akong nakaupo sa tila walang katapusang napulot na saya na dulot ng programa. Pero sa mga taong pumila at galing sa malayong probinsiya, halos isang araw ang nagugol na oras nila dito.
Sana ay maging daan ang show sa pagtulong at pagtuklas ng tunay na ginintuang talento ng isang Pinoy (kahit na hindi ito talent search show). Nawa ay makapagbigay ng pang-matagalang tulong sa maraming dumarayo dito. At hindi makaranas ng pag kutya ang maraming kapos palad na umaasang maambunan sila ng grasya.
Sa mga contestant na pilit tatawanan ang hirap ng buhay kahit pumapatak ang luha, nawa ay makamit niyo ang tagumpay sa tamang oras o panahon at sa tulong ng Poong Maykapal.

Pag-uwi ng pagal kong katawan ay sinalubong ako ng aking mga anak na animo isang artista. Nakita nila ako pero naka-simangot daw ako. Hindi daw ako naka-smile. May mga text at tawag akong natanggap mula sa mga kaibigang nakakita at nagsabing suplado ako sa T.V.

Camera shy kasi ako. Pero sa pagbalik ko, alam ko na ang gagawin ko, todo smile na ako. Isang ala-ala na hindi malilimutan ang pag-pasyal sa Wiling- Willie, tila ako ay nawili.

Isang kwento, isang araw sa buhay ko sa Willing – Willie.
Bago tayo maghiwalay, hayaan niyong sabihin ko ang galing ng Pinoy. Gawa ng Pinoy para sa Pinoy.
Islander Sandals, Kapal ng Orig. Tibay ng orig.
Babu na muna!

2 comments:

Anonymous said...

ganda ng ending mo Sir.. hehe.. sana kmi rin makahingi ng ticket. sayang ndi kita napanood nun. - Lhot

pmonchet said...

Ayos ba. Hayaan mo at kapag naka lusot sa TRO tawagan mo agad si Ana for scheduling.